CAUAYAN CITY – Arestado ang isang Social Amelioration Program beneficiary at Research Assistant ng Nueva Vizcaya State University (NVSU) sa Bayombong, Nueva Vizcaya matapos lumabag sa liquor ban kaugnay sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCaptain Jolly Villar, Deputy Station Commander ng Bayombong Police Station, kinilala nito ang mga pinaghihinalaan na sina Patrick Domingo, 22-anyos, may kinakasama, isang Telecom Agent, SAP Beneficiary at residente ng Quezon, Solano, Nueva Vizcaya.
Ang pangalawang dinakip ay si Revil Nick Aballos, 31-anyos, may asawa, research assistant ng NVSU at residente ng San Nicolas, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PCaptain Villar, nakatanggap sila ng impormasyon na may nag-iinuman na mga kalalakihan na agad nilang tinugunan at nakita ang dalawang pinaghihinalaan na nasa gilid ng daan.
Naging arogante si Domingo ng tanungin sila ng mga pulis dahilan para tuluyang dakipin ang mga suspek na dinala sa Bayombong Police Station.
Nagkaroon ng inventory sa mga gamit na nakumpiska sa mga pinaghihinalaan at nakuha sa pag-iingat ni Domingo ang isang sobre kung saan inilalagay ang perang ibinabahagi sa mga Benepisyaryo ng SAP.
Itinanggi naman ni Domingo na sa kanya ang sobre kundi pag-aari ito ng kanyang kinakasama.
Napag-alaman na nagtatrabaho sa isang Telecommunications company si Domingo habang wala namang trabaho ang kanyang kinakasama.
Nakikipag-ugnayan na ang Bayombong Police Station sa DSWD upang mabigyan ng aksyon ang tils maling sistema sa pamamahagi ng SAP.
Nahaharap sa kasong Resistance and Disobedience to a Person in Authority at Liquor Ban sa ilalim ng umiiral na ECQ ang mga pinaghihinalaan na kasalukuyang nakapiit sa Bayombong Police Station.











