CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ni Philreca Partylist Rep. Presley de Jesus kung bakit tumaas ang bayarin sa koryente ng maraming member-consumers ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) 1 sa pinakahuling reading sa kanilang konsumo sa koryente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Rep. de Jesus na may mga nadoble at natriple pa ang bayarin sa koryente dahil halos dalawang buwan na silang nasa bahay lang mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine o ECQ noong ikalawang linggo ng Marso 2020.
Dahil nasa bahay lang ang mga miyembro ng pamilya ay tumaas ang konsumo sa koryente dahil sa mas mahabang oras ng paggamit ng electric fan o aircondition unit, panonood sa telebisyon, paggamit ng cellphone at iba pang appliances.
Ang mga commercial buildings tulad sa mga mall ay bumaba ang kanilang bayarin sa koryente dahil tumigil ang kanilang operasyon.
Ayon pa kay Rep. de Jesus, may grace period at staggard basis ang pagbabayad ng mga member consumers.
Walang surcharge sa late payment at walang mapuputulan ng linya ng koryente.
Tiniyak pa ni Cong. Presley de Jesus na hindi dinadaya o dinadagdagan ang bayarin sa koryente kundi kung ano ang nakonsumo ay ito ang babayaran ng mga member-consumers.
Regular aniya na isinasailalim sa audit ang mga electric cooperatives.
Ang mga kooperatiba ng koryente aniya ay nasa ilalim ng Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy (DOE) at National Electrification Administration (NEA) at kung may reklamo ang mga member-consumer ay puwede nilang iparating ito sa nasabing mga ahensiya maging sa mga sangay ng ISELCO 1.













