
CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagpapatupad ng lockdown ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) region 2 sa kanilang mga pasilidad dahil sa mga Person’s Deprived of Liberty (PDL) na tinamaan ng Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Romeo Villante, Chief ng Community Relations Service at Assistant Regional Director for Operations ng BJMP region 2, sinabi niya na upang matiyak na hindi maapektuhan ng COVID-19 ang mga piitan sa rehiyon ay bumuo na sila ng BJMP region 2 COVID-19 Task Force bilang tugon sa kautusan ng kanilang head office.
Aniya, bawat kulungan sa rehiyon ay mayroon ding Jail COVID Task Force.
Dito sa region 2 ay may 18 na piitan na kanilang minomonitor upang masunod ang ipinapatupad nilang total lockdown.
Para naman matiyak na nasa loob ng mga piitan ang mga jail warden ay nagsasagawa sila ng araw-araw na video conference gayundin ang pagsasagawa ng surprise visit.
Ayon kay Atty. Villante, hindi pa napapalitan ang mga nagbabantay sa loob ng mga kulungan subalit sa unang May 1, 2020 ay may mga papalit na sa kanila.
Gayunman, kailangan muna nilang sumailalim sa home quarantine at kumuha ng certificate para matiyak na hindi sila carrier ng nasabing sakit.










