CAUAYAN CITY – Sinagot ng DSWD Region 2 ang ilang katanungan at reklamo tungkol sa Social Amelioration Program (SAP).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director ARD Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na batay sa guidelines ng programa ang mga dapat lamang na makatanggap ng ayuda ay ang mga kabilang sa mga mararalitang Pilipino.
Aniya, malaki ang responsibilidad ng mga opisyal ng barangay sa pagpili ng mga benepisaryo kaya naman sila rin ang mananagot kung may mga mapapabilang na hindi naman dapat.
Sinabi ni Alan na totoong napasama na ang mga barangay tanod, barangay health workers at day care workers subalit hindi lahat dahil ang tinitignan dito ay ang kanilang pamilya.
Kung maykaya sila sa buhay o di kaya ay may kapamilya silang empliyado ng pamahalaan ay hindi na sila dapat pang mapasama sa mga makakatanggap ng ayuda.
Kasama rin aniya ang mga senior citizen kahit sila ay may social pension dahil iba namang programa ang Social Pension Program.
Kuwalipikado rin ang mga distressed OFWs na walang ibang mapagkukunan ng pangangailangan ang pamilya gayundin ang mga nalockdown sa ibang bansa at hindi makapagpadala sa Pilipinas subalit titignan din ang sitwasyon ng kanilang pamilya.
Kahit aniya may mga kamag-anak silang OFW kung hindi naman apektado sa mga ipinapatupad na lockdown sa ibang bansa ay hindi na dapat pang mapabilang.
Ayon pa kay Alan, sa mga nakatanggap na ng ayuda na hindi naman dapat ay hindi na mabibigyan sa susunod na kanilang pamamahagi ng ayuda.
Nilinaw din niya na hindi puwedeng mapabilang ang mga nag-iisa lamang na namumuhay dahil ang programang ito ay para sa buong pamilya.
Ayon pa kay Alan, may kaukulan ding aksyon para sa sino mang mapapatunayan na hinati ang ayudang ibinigay nila sa kanilang mga nasasakupan.











