CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagpapadala ng NFA Region 2 ng mga bigas sa Metro Manila bilang ayuda sa kanilang relief operations.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Beverlyn Peralta ng NFA Region 2, sinabi niya na sa mga nagdaang araw ay nakapagpadala sila ng sampong libong sako ng bigas na isinakay sa sampong truck.
Aniya, basta may stock ang NFA Region 2 ay nagpapadala sila subalit mas prayoridad pa rin nila ang Region 2 dahil patuloy pa rin ang pag-order sa kanila.
Sa buong rehiyon ay nakapagbenta na sila sa mga LGUs ng isang daang libong sako ng bigas para sa kanilang relief operations.
Ayon kay ARD Peralta, P25 ang bawat kilo ng bigas sa NFA habang P1,250 naman sa bawat sako ng bigas na may limampong kilo.
Bagama’t humina ang kanilang procurement dahil sa pag-aalok ng mga traders ng mas mataas na presyo ay tiniyak naman nito na sapat pa rin ang kanilang suplay para sa mga susunod na araw.











