--Ads--

CAUAYAN CITY – Mas pabor si Governor Rodito Albano na isailalim pa rin ang Isabela  sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) kaysa sa General Community Quarantine (GCQ).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na kailangang maipaunawa sa mga tao na hindi pa tapos ang Coronavirus Disease (COVID 19).

Nang mangyari noon aniya ang Spanish flu ay mas lumakas ang pandemic nang lumabas ang mga tao dahil sa pag-aakalang tapos na kaya dumami ang mga taong namatay.

Ayon kay Gov. Albano, hihintayin nila ang desisyon ng Inter-Agency Task force (IATF) kung anong kategorya mapapabilang ang Isabela.

--Ads--

Kailangan aniya ang paghihigpit pa rin dahil dumami ang mga suspect case sa lalawigan.

Magkakaroon aniya ng modification tulad ng pagpasok na sa opisina, pagbubukas ng mga hardware para maipagpatuloy ang mga construction para magkaroon ng trabaho ang mga construction workers at pagpayag sa mga tricycle ngunit dalawa lang ang dapat na sakay nito at bawal pa rin ang social gathering o pagkukumpul-kumpol ng mga tao.

Ayon kay Gov. Albano, kailangan pa ring mahigpit na masunod ang pagsusuot ng face mask, palaging paghuhugas ng mga kamay at social distancing dahil ito ang mabisang panlaban sa COVID-19.

Ang tinig ni Gov. Rodito Albano

Nakipagpulong kaninang umaga sa Luna, Isabela si Gov. Albano sa mga mayor para alamin ang kanilang rekomendasyon sakaling maisailalim pa rin ang isabela  sa ECQ o kaya ay maisailalim na sa GCQ.

Samantala, hiniling ni Vice Gov. Faustino “Bojie” Dy III sa mga mamamayan ang lubos na pakikiisa at  tripleng pag-iingat para mahadlangan ang pagkalat ng COVID-19 sa Isabela.

Sa loob aniya ng ilang araw ay naging COVID free ang Isabela ngunit noong nakaraang Sabado ay may naitalang dalawang panibagong kumpirmadong kaso at may mga suspect case.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Bojie Dy na sa pakikipagpulong nila sa mga mayor sa Isabela ay sang-ayon sila na maipatupad pa rin sa Isabela ang ECQ para matiyak na makontrol ang COVID 19.

Binigyang-diin ng bise gobernador na makabubuti sa lahat ang patuloy na paghihigpit para hindi matulad ang Isabela sa Singapore na  nagrelax kaya dumami ang mga nagpositibo sa sakit.

Ayon kay Vice Gov. Dy, hindi lamang doble kundi triple ang gagawing pag-iingat ng mga mamamayan  para matiyak na makonttrol ang pagkalat ng COVID 19.

Kailangan ang patuloy na pagsusuot ng face mask dahil may ordinansang pinagtibay ang Sangguniang Panlalawigan na huhulihin ang mga hindi gagamit ng face mask kapag lumabas sa kanilang bahay.

Hihigpitan din ang pagpapatupad ng pagbabawal sa pagbebenta, pagbili at pag-inom ng alak.

Ang tinig ni Vice Gov. Bojie Dy