CAUAYAN CITY – Patuloy ang isinasagawang contact tracing ng DOH Region 2 sa mga nakasalamuha ng tatlong bagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Dan Christian Reyes, Communication and Liaison for COVID-19 Response ng DOH Region 2, sinabi niya na patuloy pa rin nilang pinag-aaralan kung paano nahawa ang dalawang health worker sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa lunsod ng Santiago gayundin ang isang nagpositibo sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Aniya, kasama sa isinagawa nilang contact tracing ang mga kasamahan ng dalawang health worker at hanggang ngayon ay wala pa namang nagpapakita sa kanila ng sintomas ng COVID-19.
Habang ang senior citizen na nagpostibo sa Nueva Vizcaya ay patuloy din nilang inaalam kung paano ito nahawa dahil wala naman itong travel history at isa na ring bed ridden.
Gayunman, hindi nila inaalis ang posibidad na may mga naging bisita ito na positibo sa COVID-19.
Ayon kay Ginoong Reyes, maayos ang kalagayan ng dalawang health worker at nakaadmit na ngayon sa SIMC.
Patuloy silang tinututukan ng pagamutan dahil isa sa kanila ay symptomatic habang ang isa ay asymptomatic.
Samantala, inihayag pa ni G. Reyes na mula noong April 25 ay nakapagtala na sila ng 30 kumpirmadong kaso sa rehiyon kasama na ang isang namatay.
Aniya, sa tatlumpong ito ay 22 ang recoveries.
Umaabot naman sa 98 ang suspect cases na nakaadmit sa iba’t ibang retained at level 2 hospitals sa rehiyon.
Muli naman itong nagpaalala sa mga mamamayan na manatili pa rin sa kanilang tahanan, ugaliing maghugas ng kamay, takpan ang bibig kapag uubo o magbahing, at manatiling nakatutok sa mga balita upang sariwa ang kanilang kaalaman tungkol sa COVID-19.











