CAUAYAN CITY – Pinagmumulta ng 5,000 hanggang 30,000 na PLN ang mga lumalabag sa panuntunan ng lockdown sa Poland.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Julianne Vinoya Supryka, OFW sa Krakow, Poland at tubong Pangasinan, sinabi niya na mahigpit ang pagpapatupad ng mga alituntunin ng lockdown sa nasabing bansa dahil sa daan-daan na naitatala nilang kaso sa bawat araw.
Umabot na sa mahigit 11,000 ang kaso ng Coronavirus disease (COVID-19) sa Poland, 2,000 ang recoveries at mahigit 500 na ang namatay.
Ayon kay Gng. Supryka, noong Pebrero lamang sila nagtungo roon ng kanyang asawa para sana maghanap ng tarabaho subalit nang makapagtala ang nasabing bansa ng unang kaso noong Marso ay nagpatupad na sila ng lockdown kaya hindi na rin siya nakapaghanap pa ng trabaho.
Isinara aniya nila ang kanilang mga border para hindi makapasok ang ibang bansa.
Sa ngayon ang may pinakamaraming kaso ay sa Warsaw na kapital ng Poland.
Ito aniya ay dalawang oras lamang ang layo sa Krakow kung saan sila nakatira ng kanyang asawa.
Ayon kay Gng. Supryka, nasa 5,000 hanggang 30,000 na PLN o katumbas ng P60,000 hanggang P360,000 ang multa ng mga lumalabag sa panuntunan ng ipinatutupad na lockdown sa Poland.
Gayunman, may mga naitatala pa ring lumalabag ang mga pulis kaya mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga lugar na madalas puntahan ng mga tao.











