CAUAYAN CITY – Hinahangaan ngayon ang isang Punong Barangay na nagbahagi ng kaniyang tatlong buwang honorarium upang ipambili ng karagdagang ayuda para sa mga residenteng apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Agapito Castillo ng Barangay Mabini, sinabi niya na katuwang ang ilan pang pribadong indibiduwal ay nagtulong -ulong sila upang mapunan ang kakulangan at mabigyan ng karagdagang ayuda ang tinatayang 1,700 na pamilya sa kaniyang nasasakupan.
Bagamat umani ng samu’t saring reaksiyon ang naging hakbang ng nasabing kapitan, iginiit nito na hindi importante ang suweldo na kanyang matatanggap bilang pinuno sa panahon na lubos na nangangailangan ang kanyang mga kabarangay.
Aniya Iiang hakbang din ito upang maibalik sa kaniyang nasasakupan ang suweldo nito mula sa pagseserbisyo sa kanila.
Umaasa naman si Kapitan Castillo na magsisilbing inspirasiyon ang ginawa niyang hakbang sa ibang mga mamamayan upang marami pang may mabubuting kalooban ang mamulat sa kahalagahan ng pagtulong sa kapwa pangunahin na sa panahon ng krisis na kinakaharap ng bansa bunsod ng COVID 19.











