CAUAYAN CITY – Nagsilbing hamon sa isang nakapasa sa 2019 Bar Examinations na mula sa Santiago City ang pagkakaroon niya ng failing grade nang siya ay nag-aaral sa law school.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Lucky Joy Alvarado Domingo ng Cabulay, Santiago City, sinabi niya na mula Elementarya hanggang kolehiyo ay hindi niya naranasang magkaroon ng bagsak na grado kaya naman napakalaking hamon ito sa kanya nang siya ay nag-aral sa law school.
Aniya, sa law school ay naranasan niyang tumayo ng ilang oras at murahin ng mga professor.
Labis naman siyang nagpapasalamat sa kanyang mga mahal sa buhay pangunahin na sa kanyang magulang dahil sa tuwing nawawalan siya ng pag-asa ay lagi lamang silang nakasuporta sa kanya.
Ayon pa kay Atty. Domingo, kahit isa siyang scholar noon ay nagtrabaho pa rin siya habang nag-aaral sa law school sa Saint Marry University.
Aniya, naging legal researcher at secretary siya ni Atty. Fidel Santos sa Nueva Vizcaya.
Ayon kay Atty. Domingo, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang kasama siya sa mga nakapasa sa nasabing pagsusulit.
Gayunman, inasahan umano niyang maipapasa niya ito dahil ang hiningi niyang sign sa Panginoon ay ibinigay nito nang lumabas sa test question nila noong unang linggo ng kanilang exam ang napanaginipan niyang mga salita na kanyang kinabisado.
Subalit sa ikatlong linggo aniya ay mayroon siyang nalaktawan na dalawang tanong na siyang nagpahina sa kanyang loob kaya nanalangin na lamang siya sa Panginoon.
Labis na nagpapasalamat si Atty. Domingo, dahil lahat ng mga naranasan niyang hirap ay nagbunga.
Pinayuhan naman niya ang mga gusto ring maipasa ang prestihiyosong pagsusulit na ito na huwag mawalan ng pag-asa, magtiwala lamang sa sarili, magbasa ng magbasa at magtiwala lagi sa Panginoon.
Si Atty. Lucky Joy Alvarado Domingo ay unang nag-enrol ng education sa Saint Marry University subalit nagshift siya ng Bachelor of Science in Political Science noong ikalawang taon niya sa kolehiyo.
Nagkaroon aniya siya ng interest sa Political Science nang siya ay maging SK chairman sa kanilang barangay.











