CAUAYAN CITY – Arestado ang tatlong kababaihan na kinabibilangan ng dalawang Social Amelioration Program (SAP) beneficiaries sa District 2, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen at sinabing may mga nagsusugal sa Africano St. District 2, Cauayan City pangunahin na sa tabi ng bahay ng nagngangalang Reynaldo Paguinto.
Agad na tumugon ang mga kasapi ng nasabing himpilan at naaktuhan ang mga pinaghihinalaan na naglalaro ng baraha partikular na ang tong-its.
Inaresto nila ang mga suspek habang nakuha sa kanilang pag-iingat ang isang set ng baraha, pamustang pera na nagkakahalaga ng P530, tatlong upuan at isang lamesa.
Napag-alaman din na dalawa sa tatlong suspek ay benepisaryo ng SAP ng DSWD.
Dinala ang tatlo kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng PNP Cauayan City para sa tamang disposisyon.
Sasampahan ng kasong paglabag sa PD 1602 (anti illegal gambling law) ang mga pinaghihinalaan at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ngayong araw.











