CAUAYAN CITY – Pinag-usapan ang pagbibigay ng tulong sa lahat ng mga magsasakang nagtatanim ng palay mais at gulay sa isinagawang Virtual meeting ng mga kasapi ng Regional Development Council (RDC) na ginanap sa Balay ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Punong Lalawigan Rodito Albano ng Isabela na sa Virtual meeting ng RDC ay pinag-usapan ng mga miyembro ang maaaring pag-amyenda ng Rice Tarrification Law na hindi lamang mga magsasaka sa palay ang mabebenipisyuhan kundi maging ang mga magsasakang nagtatanim ng mais at gulay.
Nais anyang isulong ng RDC ang Rice tarrification excess fund mula sa sampong bilyong piso na ipagkakaloob din sa mga magsasakang nagtatanim ng mais at palay.
Bukod dito ay pinag-usapan din sa Virtual Meeting ng RDC ang ukol sa Social Amelioration Program at ang umiiral na General Community Quarantine sa region 2.
Muling magpupulong ang mga kasapi ng RDC ngayong araw ng Huwebes upang maisapinal ang kanilang isusulong na panukala.











