
CAUAYAN CITY – Malayo pang babalik sa normal ang lahat sa Isabela kahit alisin na ang General Community Quarantine (GCQ) matapos ang May 15, 2020
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Rodito Albano na hangga’t wala pang gamot laban sa Coronavirus Disease (COVID-19) ay hindi babalik sa normal ang lahat.
Ayon kay Gov. Albano, kailangang ipatupad pa rin ang quarantine sa Isabela at imo-modify lang ang mga guidelines.
Tuluy-tuloy aniya ang pagsusuot ng face mask at pagpapatupad sa social distancing at bawal pa rin ang mass gathering para maiwasan ang banta na dulot ng COVID-19.
Sinabi pa ni Gov. Albano na hihintayin nila ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung tatanggalin na ang GCQ matapos ang May 15, 2020.
Samantala, hinggil sa pagpayag na ng IATF region 2 sa magkaangkas sa motorsiklo na mag-asawa at magkamag-anak, sinabi ni Gov. Albano na payag siya dito ngunit titingnan pa niya ang guidelines tungkol dito.
Sa tricycle aniya ay mananatii ang panuntunan na dapat na isa lang ang pasahero.










