
CAUAYAN CITY – Hiniling ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 sa mga Local Government Units (LGU’s) sa ikalawang rehiyon na agad maghain ng liquidation report at iba pang kailangang dokumento matapos na maipamahagi ang ayuda sa mga benepisaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa kanilang lugar.
Kailangan ang liquidation report para makapagsagawa ng validation ang DSWD region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Asst Regional Director Lucia Alan ng DSWD region 2, na hanggang kahapon ay 92.68% ang mga nakakumpleto na LGU sa pamamahagi nila ng ayuda.
Sa mahigit 500,000 na benepisaryo sa ikalawang rehiyon ay pinakamarami ang Isabela na halos 49% ng nasabing bilang.
Ang pinakamaliit ay ang Batanes na 30.2% lang ang nabigyan ng ayuda sa mga target beneficiaries dahil marami sa mga pamilya na nanay o tatay lang ang nakatira sa kanilang bahay dahil nasa mainland ang kanilang mga anak.
Hanggang kahapon, ang Isabela ang may pinakamataas na bilang ng mga nakatugon na LGU’s na 99.60%, sa Cagayan ay 92.60%, sa Quirino ay 91.66%, sa Nueva Vizcaya ay 79.12% at sa Batanes ay 30.2% .
Ayon kay ARD Alan, nagpatagal sa pamamahagi ng ayuda ang validation at ang pagsasauli ng ilang benepisaryo sa kanilang natanggap sapagkat nakonsensiya umano sila dahil mas may karapat-dapat na tumanggap.
Ang mga hindi naibigay na pera ay babalik sa Bureau Treasury ng pamahalaan.
Hindi pa masabi ni ARD Alan kung may ikalawang tranche ng SAP dahil hihintayin pa nila ang desisyon ng tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.










