CAUAYAN CITY – Sumailalim sa Rapid Antibody Test ang 236 na kasapi ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) ng 22 Barangay sa Lunsod NG Santiago bilang bahagi ng inilatag na Mass Testing ng Pamahalaang Lunsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Genaro Manalo, City Health Officer ng Santiago, sinabi nito na sumailalim kahapon sa Rapid Anti Body Test ang mga barangay na nasa Tanap Region, Poblacion A at Forest Region.
Ang mga barangay na kabilang sa Poblacion A ay ang Calao West, Calao East, Centro East, Centro West, Victory Norte, Victory Sur, at Villasis.
Kabilang naman sa Tanap Region ang Barangay Mabini, Batal, Divisoria, Rizal, Salvador, San Andres at Naggasican habang sa Forest Region ay ang mga Barangay ng Bannawag Norte, Balintocatoc, Luna, Sagana, San Jose, Sta. Rosa at Nabbuan.
Personal na nagtungo ang mga kawani ng CHO sa Santiago West Central School, Mabini at Baluarte Community Center sa pangunguna ni Dr. Fe Sanchez.
Mahigit 10 kasapi ng BHERT sa bawat barangay ang nagtungo sa mga nasabing venue upang sumailalim sa pagsusuri.
Samantala, Una nang sumailalim sa Rapid Anti Body Test ang mga Market Vendors sa lunsod na kabilang sa Category A habang kasalukuyan namang isinasailalim ang mga kasapi ng BHERT, Health Workers at mga pulis na kabilang sa Category B.
Naihanay naman sa Category C ang mga indibidwal na gustong sumailalim sa TEST na kinakailangang pumasa sa Initial Interview o mga taong posibleng nakapitan ng coronavirus disease (COVID-19).
Layunin ng pagsusuri na malaman kung nagkaroon ng COVID-19 ang isang indibidwal.











