--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagkaroon ng problema sa information technology system ng Development Bank of the Philippines (DBP) kaya offline simula noong Lunes ang pagdownload ng salapi sa Mhuillier para sa cash aid ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka na nagtatanim ng palay.

Nagrereklamo ang mga benepisaryong magsasaka lalo na ang mga galing sa mga barangay na ilang beses silang bumalik sa nasabing remittance center para makuha ang ayuda.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na ito ang paliwanag sa kanya nang tawagan niya ang DBP dahil sa reklamo  ng mga rice farmer na palaging sinasabi ng remittance center na offline kaya hindi nila makuha ang kanilang financial assistance.

Dahil dito ay kinausap ni Ginoong Edillo ang mga Municipal at City Agriculturist na payuhan ang mga magsasaka na huwag munang pumunta ngayong linggo sa nasabing remittance center.

--Ads--

Bibigyan nila ng impormasyon ang mga magsasaka kung puwede nang kunin ang cash aid  kapag naayos na ang information technology system ng DBP.

Tiniyak ni Ginoong Edillo na hindi mawawala ang kanilang pangalan at makukuhang pera dahil sa nasabing problema sa DBP.

Sa mga  benepisaryo ng Rice Farmer Financial Assistance (RFFA)  ay 86% na ang nakakuha ng ayuda habang  14%  ang  hindi  pa nakakuha.   

Ang pagkuha aniya ng cash aid mula sa Mhuillier ay bahagi  ng kasunduan na pinasok ng DBP para sa mas mabilis na pamamahagi sa ayuda at para masunod ang panuntunan sa social distancing.

Ipinaliwanag ni Regional Director Edillo na ang pamamahagi ng financial asistance sa mga rice farmers ay nagkataon lang ngayong panahon na may krisis na dulot ng Coronavirus Disease (COVID-19).

Ito ay dapat sana nilang natanggap noong nakaraang taon o bago ang outbreak ng COVID-19.

Ang ayuda ay para sa mga rice farmer na  nagsasaka ng kalahati hanggang dalawang ektarya na naapektuhan ng bagsak na presyo ng palay dahil sa Rice Tarrification Law.

Ayon kay Ginoong Edillo, ang mga magsasaka na tumanggap ng tulong pananalapi sa RFFA ay maaari pa ring tumanggap ng ayuda sa Social Amelioration Program (SAP) depende sa kalagayan nila sa buhay.

Ang tinig ni Regional Executive Director Narciso Edllo