CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng mobile graduation ang Cauayan City East Central School.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Supt. ng DepEd Cauayan City na ito ay resulta ng kanyang pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga paaralan na mag-isip kung paano nila maibibigay ang mga awards at certificate sa mga mag-aaral.
Napagkasunduan nila sa kanilang Virtual Mancom na kung hindi nila kakayanin ang mag-house to house ay gagawin nila ang mobile graduation upang maipaabot ang awards at certificate ng mga mag-aaral.
Nagpatugtog pa rin sila ng graduation march at mayroon din silang audio visual habang nagmamartsa ang tatanggap ng award at certificate.
Wala anyang ginastos ang mga mag-aaral dahil ginastusan ito ng kanilang paaralan sa pamamagitan ng kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).
Bago anya isinagawa ang mobile graduation ay ipinaalam nila sa mga opisyal ng barangay, mga mag-aaral at kanilang mga magulang upang masunod pa rin ang social distancing at pagsusuot ng face mask.
Sinabi ni Dr. Gumaru na naisipan nila itong isagawa matapos mapabalita sa Bombo Radyo Cauayan ang isang guro na nag-house to house upang maibigay ang mga awards at certificate para sa kanyang mga mag-aaral sa Cordon, Isabela.
Sa mga susunod na araw anya ay magsasagawa rin ng kakaibang mga graduation rites ang iba pang mga paaralan sa lunsod ng Cauayan.











