
CAUAYAN CITY – Dinagdagan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela at LPGMA partylist ang inilaan ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagkakaloob ng pautang sa mga maliliit na negosyo at livelihood kit para sa mga micro business.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela na ang pagpapautang at pagbibigay ng livelihood kit ay naglalayong matulungan ang mga maliliit na negosyo na mabilis na makabawi mula sa pagkalugi dahil sa epekto ng lockdown.
Isang bilyong piso ang inilaan na pautang sa mga nasa kategorya ng small business corporation sa buong bansa.
Dito sa Isabela, 200 million ang ipapautang sa mga distressed micro small enterprises na O.5% interest.
Ayon kay Ginoong Singun, ang uutangin lang ng kompanya ay ang lugi noong panahon ng lockdown at hindi puwedeng umutang ng pang-expansion o pagpapalawak ng negosyo.
Kung nagsara ang negosyo ay pauutangin ang may-ari para sa muling pagsisimula.
Ang ikalawa ay livelihood program, ito ay ayuda na mula 5,000 hanggang 8,000 tulad ng Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngunit livelihood kit at hindi cash aid.
Pipiliin nila sa mga barangay ang mga distressed na micro entrepreneur at ihahanapan ng livelihood kit.
Kung karinderia ay bibigyan ng dagdag na stock o gamit sa negosyo.
Ayon kay Provincial Director Singun, limitado lang ang pondo kaya magiging maingat sila sa pagpili ng benepisaryo para hindi maakusahan ng paboritismo.
Sa Isabela aniya ay 500 hanggang puwedeng 600 ang maaaring mabigyan ng livelihood kit sa 3.5 million na inilaan na pondo para sa DTI-Isabela.
Gayunman, dahil nagdagdag ang pamahalaang panlalawigan ng 5 million habang 3.5 million ang LPGMA partylist ay tinatayang mahigit 2,000 ang puwedeng maging benepisaryo.
Ito ay bukod sa hiwalay na programa para sa mga kooperatiba at asosasyon.
Sa micro business na may capital na hanggang 3 million, ang may-ari ay puwedeng makautang ng 10,000 hanggang 200,000.
Ang small business corporation na may capital na 3 million hanggang 15 million ay puwedeng makautang ng maximum na 500,000.
Ang mga nais mabigyan ng cash grant at livelihood kit ay puwedeng makipag-ugnayan sa DTI Negosyo Center sa Lunsod ng Ilagan.










