
CAUAYAN CITY – Walang nakikitang foul play ang mga otoridad sa pagkamatay ng dalawang estudyante na nalunod sa Cagayan River sa Pilitan, Tumauini Isabela.
Noong Sabado, May 16, 2020 ay natagpuang palutang-lutang ang katawan ni Jay-ar Concha sa ilog sa San Antonio, Delfin Albano, Isabela habang ang katawan ni Jericho Allauigan ay natagpuan ng rescue team sa ilog sa Compania, Tumauni, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Rolando Gatan, hepe ng Tumauini Police Station, sinabi niya na walang nakitang palatandaang pinahirapan ang mga biktima nang matagpuan sila ng mga rescue team.
Pinabulaanan niya ang mga kumalat na impormasyon na may nakitang sugat sa katawan ng dalawang binatilyo na nasa state of decomposition na nang matagpuan.
Aniya gawa-gawa lamang ang mga impormasyon may kaugnayan sa umano’y nakabalot ng supot ang ulo ng dalawang biktima nang matagpuan ang mga Ito.
Ayon kay PMaj. Gatan, dumulog sa kanilang himpilan ang pamilya ng mga biktima upang ipaliwanag na walang foul play sa pagkalunod ng dalawa.
Sinabi pa ni PMaj Gatan na bukas ang kanilang himpilan kung may pagdududa ang pamilya at nakahanda nilang patunayan na walang foul play batay sa kanilang ginawang imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang estudyante.










