
CAUAYAN CITY – Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na Chinese national na inaresto makaraang salakayin ng mga otoridad ang dalawang warehouse na ginawang pagawaan ng mga pekeng sigarilyo sa Palattao, Naguillian, Isabela at Victoria, Alicia, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial director Tim Rejano ng NBI-Isabela, sinabi niya na nakatanggap siya ng sulat mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) region 2 na humihingi ng tulong para arestuhin ang apat na Chinese national dahil sa paglabag sa National Internal Revenue Code.
Dahil dito nagpadala siya ng mga ahente na umaresto sa apat na Chinese na sina Steven Tan, Shin Kang Joon, Woo Ja Jun at Woo Yao Mei.
Ang mga suspek ay dinala nila sa tanggapan ng NBI bago dinala Provincial Prosecutor’s Office para sampahan ng kasong paglabag sa National Internal Revenue Code o Unlawful Possesion of Cigarette Paper rolls at Possesion of Counterfeit Stamps.
Matapos masampahan ng kaso ang mga Chinese ay isasailalim sila sa swab test bago ipasakamay sa Isabela Provincial Jail.
Kailangan umanong matiyak na walang COVID-19 ang mga Chinese national upang hindi mahawaan ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa panlalawigang piitan.
Sinabi ni Provincial Director Rajano na batay sa kanilang imbestigasyon, ang may-ari ng warehouse na naunang sinalakay ng mga miyembro ng Naguilian Police Station, Isabela Police Provincial Office (IPPO) at BIR dahil sa ginawang pagawaan ng mga pekeng sigarilyo ay si Peter Hao, residente ng Alicia, Isabela.
Padadalhan ng Isabela Provincial Prosecutors Office ng subpoena si Peter Hao upang makapaghain ng paliwanag kung bakit ginamit ang 2 bodega na pagawaan ng mga pekeng sigarilyo.




