CAUAYAN CITY – Umakyat na sa 48 ang mga tinamaan ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa ikalawang rehiyon matapos na makapagtala ng panibagong kaso ang Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Llexter Guzman, Health Education and Promotion Officer ng DOH Region 2, sinabi niya na ang naidagdag na kaso noong June 21, 2020 ay isang 63 anyos na lola mula sa Mabini, Santiago City.
Ang pasyente ay nakunan ng swab sample noong June 18, 2020 sa isinagawang mass testing sa mga miyembro ng AGAP at Sweet Club sa nasabing lunsod.
Sa ngayon ay nasa Southern Isabela Medical Center (SIMC) na ang pasyente na asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng nasabing sakit.
Nabatid na dati nang may altapresyon ang lola.
Nagsasagawa na ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng panibagong kaso ng COVID-19 ang pamahalaang lunsod ng Santiago katuwang ang mga opisyal ng barangay ng Mabini.
Ayon kay Ginoong Guzman, sa ngayon ay siyam ang active na kaso ng COVID-19 positive sa rehiyon dos.
Lahat sila ay asymptomatic maliban sa taga-Santa Ana, Cagayan na nakakaranas ng ilang sintomas ng COVID-19.