--Ads--

CAUAYAN CITY – Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang residente ng Del Pilar, Alicia, Isabela para ireklamo ang umano’y anomalya sa pamamahagi ng ayuda para sa mga pamilya na napinsala ang mga bahay sa paghagupit ng bagyong Rosita noong 2018.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong George Umipig, residente ng Del Pilar , Alicia, sinabi niya na ang akala niya ay partial payment lamang ang natanggap na Php 13,000 dahil totally  damaged  ang kanyang bahay.

Ito  ang nakalagay sa kanyang impormasyon noong isagawa ang validation.

Nagtaka  siya  dahil may mga pamilya na nakatanggap ng total payment na Php 32,550 gayong hindi naman ganap na nasira ang kanilang bahay.

--Ads--

Ang isa pa niyang reklamo ay may nakakuha  ng ayuda na hindi taga-barangay Del Pilar kundi taga-Angadanan Isabela.

Ang pahayag ng nagrereklamong si George Umipig

Samantala, iginiit ni Barangay Kapitan  Rogelio Sanchez ng Del Pilar, Alicia, Isabela   na wala siyang kinalaman sa reklamong anomalya sa pamimigay ng ayuda sa mga nasiraan ng mga bahay sa kanilang barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Sanchez, nilinaw niya na  hindi siya kasama sa pag-validate ng mga benepisaryo kundi ang validation ay ginawa ng  kanilang daycare worker  na si Ginang Marivic Maltiso.

May mga  sumama noon kay Ginang Maltiso na kawani ng pamahalaang barangay para kumuha lamang ng mga larawan.

Walang  dumaan sa kanya na listahan ng mga benepisyaryo dahil nalaman na lamang niya na may ayuda noong payout na.

Mayroon siyang nilagdaan  noon ngunit hindi na siya nagsagawa ng beripikasyon dahil kilala niya sila at nararapat silang mabigyan ng ayuda.

Ang pahayag ni Barangay Kapitan Rogelio Sanchez

Inamin naman ng daycare worker na si Gng. Marivic Maltiso na mayroon siyang pagkakamali sa pamimigay ng ayuda sa mga  nasiraan ng bahay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang  Maltiso, inamin niya na nabigyan ang ilang kamag-anak na taga-Angadanan, Isabela ngunit hindi  ito galing sa ayuda para sa sinalanta ng bagyo kundi sa Cash for Work Program  upang sila ay matulungan.

Iginiit niya na alam ni Kapitan Sanchez ang pamamahagi ng ayuda dahil may listahan siya ng mga benepisaryo at ang barangay din ang naglilista ng mga kuwalipikadong mabigyan.

Siya lamang ang kukuha nito at magpapasa sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Idinagdag pa niya  na malabong siya lamang ang magsasagawa ng validation dahil hindi  niya kakayanin bunsod ng lawak ng kanyang nasasakupan.

Aniya, kung talagang hindi qualified ang ibang nabigyan ay ipababalik niya  ang tinanggap na ayuda  para maiwasan na ang isyu at para maibigay sa  mga kwalipikado.

May ikalawang  pamamahagi ng ayuda at  kanyang tiniyak na maibibigay  ito sa mga nararapat na  benepisaryo.

Ang pahayag ni Gng. Marivic Maltiso

Nabatid na nagbitiw  na si Ginang Marivic Maltiso bilang daycare worker ng Del Pilar, Alicia at tinanggap ni Barangay Kapitan Sanchez ang kanyang resignation letter.

Ikinagulat naman ng pamunuan Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa bayan ng Alicia ang anomalya sa pamamahagi ng  ayuda.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MSWD Officer Vilma Gaffud, sinabi niya na nagulat sila sa nangyari dahil ang alam nila ay lehitimo ang mga impormasyong nakalagay sa mga pangalan ng mga benepisaryo.

Ito  ang sinabi ng nagsagawa ng validation kaya niya nilagdaan.

Pinabulaanan ni MSWDO  Gaffud ang sinabi ni Ginang Maltiso na galing sa Cash for Work Program ang naibigay na ayuda sa taga-Angadanan, Isabela kundi bahagi pa rin ito ng ayuda para sa mga sinalanta ng bagyong Rosita.

Aniya, dalawa pa lamang ang nagbalik sa kanila ng pera mula sa kapatid ni Ginang Maltiso sa Angadanan, Isabela na mahigit Php 60,0000 at may isa pang hindi  naibabalik.

Pupulungin  ng MSWDO ang lahat ng mga daycare workers upang maiwasang maulit ang nasabing pangyayari at gagawa sila ng grievance report  ukol  dito.

Tiniyak ni MSWDO Gaffud na gagawin nila ang kanilang makakaya upang maiwasan ang katulad na  anomalya sa kanilang hanay.

Ang pahayag ni MSWDO Vilma Gaffud