--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanlumo at napaiyak ang apat na ginang ng Sitio Villa Ancheta, Minanga, San Mariano, Isabela matapos malaman na wala silang pangalan sa mga benepisaryo ng emergency shelter assistance program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kahit kabilang sila sa mga nasiraan ng bahay sa paghagupit ng bagyong Rosita noong 2018.

Sina Ginang Romana Peñaflor, Belinda Peñaflor, Ferlina Mariñas at Marina Ancheta na pawang  residente ng Minanga, San Mariano Isabela ay umutang umano ng pasahe para lamang makapunta sa community center kung saan nagbigay ang mga kawani ng DSWD ng ayuda.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi nila na pumila sila nang matagal sa pag-asang may maiuuwing ayuda ngunit wala silang napala dahil wala sa listahan ang kanilang mga pangalan.

Napinsala ang mga bahay ng apat na ginang noong bagyong Rosita kaya nagtayo sila ng pansamantalang matutuluyan gamit ang tolda habang ang iba ay pinagtagpi-tagpi ang mga nasirang yero mula sa nailipad na bubong ng kanilang bahay para may matuluyan.

--Ads--

Nagtataka sila kung bakit hindi sila kasama sa listahan ng mga benepisaryo.

Ang pahayag ng isa sa 4 na ginang.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Jerry Tagapan na siyang nakakasakop sa sitio Villa Ancheta, sinabi niya na siya mismo ang kumuha ng larawan ng mga nasirang bahay ng mga ginang.

Ganap na napinsala aniya ang bahay ni Ginang Belinda Peñaflor at habang partially damaged ang bahay ng tatlong ginang.

Sinabi niya na pinalagda  pa niya ng form si Ginang Peñaflor dahil dalawang beses na pinakuhanan ng larawan ng kanilang barangay kapitan ang nasirang bahay ng ginang.

Ang pahayag ni Barangay Kagawad Jerry Tagapan.

Nagtaka naman si Barangay Kapitan Felimon Pamittan ng Minanga, San Mariano, Isabela  dahil marami sa kanilang sinuring bahay at isinumiteng pangalan sa Municipal Social Welfare Office (MSWDO) ay hindi na kasama sa master list.

Inirekomenda niya sa apat na ginang na magtungo sa MSWDO para malaman kung bakit hindi sila kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda.

Sinabi niya na hindi lamang sa Sitio Villa Ancheta ang may isyu kundi sa iba pang purok ng kanilang barangay kaya nagtataka siya kung bakit wala ang kanilang pangalan na kabilang naman sa isinumite nilang listahan sa MSWDO.

Ang pahayag ni Barangay Kapitan Felilon Pamittan.