
CAUAYAN CITY – Pabor ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) region 2 sa paglilipat sa pagbubukas ng klase sa October 5, 2020 mula sa unang itinakda na August 24, 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Estella Cariño ng Deped Region 2, sinabi niya na resilient ang Deped at kayang mag-adjust kung sa ikalima ng Oktubre pa magsisimula ang klase.
Maganda ito aniya dahil mas mahaba na ang kanilang paghahanda para sa kanilang mga dry run at hindi na magsasagawa ng overtime ang mga guro sa paghahanda ng mga modules na kailangan sa pasukan.
Sinabi ni Dr. Cariño na mas magiging handa pa ang mga guro at hindi sila titigil sa pagtatrabaho hanggang sa pagbubukas ng klase sa ika-5 ng Oktubre.
Ayon kay Regional Director Cariño, mangilan-ngilan lang ang kanilang natatanggap na reklamo na nauubusan na ng bond paper.
May mga eskwelahan umano na naubusan ng bond papers kaya natigil ang pag-print ng modules at ang ilan ay back to back na ang pag-print.
Ayon kay Dr. Cariño, may ilang nakipag-ugnayan sa kanila tungkol sa nasabing suliranin dahil naranasan ang kakapusan ng supply nang muling isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang National Capital region (NCR) dahil doon galing ang mga supply ng mga bond papers.
Umaasa ang Deped Region 2 na malulutas na ang nasabing suliranin dahil inilipat ang petsa ng pasukan at mas matagal ang mailalaan na paghahanda ng mga modules ng mga guro.










