--Ads--

CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) region 2 ang recurrence o muling naitala ang African Swine Fever (ASF) sa anim na bayan sa Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2, sinabi niya na ang mga bayan na apektado ngayon ng ASF ay kinabibilangan ng Aurora, Ramon, Quezon, Luna, Echague at Mallig, Isabela.

Nilinaw niya na hindi naman buong bayan ang apektado dahil tigtatatlong barangay lamang ang apektado sa bayan ng Aurora, Ramon, Quezon, Luna habang tig-iisa sa Echague at Mallig.

Sa kabuuan ay umabot na sa 505 na baboy ang isinailalim sa culling.

--Ads--

Umaasa sila na hindi na madagdagan ang mga bayan na muling nakapagtala ng kaso ng ASF sa rehiyon.

Sa ngayon ay pinoproseso na ng kanilang tanggapan ang tulong na maibibigay sa mga apektadong hog raisers.

Ang pahayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2.

Ipinaliwanag ni Ginoong Edillo kung bakit muling nagkaroon ng kaso ng ASF sa ilang lugar sa rehiyon na dati nang nakapagtala ng naturang sakit ng baboy dahil sa hindi tuluy-tuloy na pag-disinfect.

Dapat sa loob ng tatlong buwan ay tuluy-tuloy ang disinfection at sa unang buwan ay araw-araw ang pag-disinfect habang sa sunod na dalawang buwan ay kada linggo.

Bukod dito ay wala pang tatlong buwan ay mayroon nang nag-alaga ng baboy kaya nabuhay ulit ang virus.

Batay sa protocols, dapat tatlo hanggang apat na buwan ang palilipasin bago mag-alagang muli ng baboy ang mga hog raisers na naunang isinailalim sa culling ang kanilang mga alaga.

Sinabi pa ni Regional Executive Director Edillo na may epekto rin ang mga technician na nagtutungo sa mga piggery.

Samantala, may bago nang  protocol ngayon ang DA dahil ang dating 1-7-10 na kanilang kino-kordon mula sa nakapagtala ng kaso ng ASF ay ginawa na ng kanilang National Crisis Management Team na point 5 kilometer 7-10.

Ang pahayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2.