CAUAYAN CITY – Umabot na sa 9 million pesos ang nalugi sa hog industry sa Isabela bunga ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer ng Isabela, sinabi niya na noong huling linggo ng Hulyo 2020 nang mai-report sa kanila ang muling pagkamatay ng mga baboy sa mga lugar na unang nakapagtala ng ASF kaya nagsagawa sila ng pagsusuri.
Dahil nagpositibo sa ASF ang mga namatay na baboy ay nagsagawa sila ng culling na nagsimula noong unang linggo ng Agosto 2020.
Sa ngayon ay umabot na sa isang 1,040 na baboy ang na-cull sa 6 na bayan sa Isabela na unang naapektuhan.
Sa nasabing bilang ay 179 na hog raisers ang apektado.
Dahil dito umabot na sa 9 million ang nawala sa hog industry sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Naui, malaki ang magiging epekto nito dahil magdudulot ito ng pangamba sa mga nag-aalaga ng baboy.
Gayunman ay tiniyak niya na tuluy-tuloy pa ang kanilang pagsusuri.
Tiniyak din niya na sapat pa rin ang suplay ng baboy sa Isabela.
Sinabi pa ni Dr. Naui na malaki ang naitulong ng mga checkpoint na inilatag laban sa COVID-19 para mapigilan ang pagkalat ng ASF.
Sa ngayon ay nakadepende na sa mga LGUs kung pagbabawalan nila ang mga dumarayong bumibili ng baboy dahil sila ang nakakaalam sa status ng suplay ng baboy sa kanilang nasasakupan.
Samantala, sinabi pa ni Dr. Naui na mayroon nang bakuna kontra sa ASF na dinedevelop sa England pero matagal pa bago posibleng makarating sa bansa.






