--Ads--

CAUAYAN CITY – Isang bagong contact tracing app ang nabuo ng Isabela State University (ISU) system may kaugnayan sa Coronavirus (COVID-19).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ricmar Aquino, pangulo ng ISU system, sinabi niya na ang contact tracing application na ito ay tinatawag nilang health guard na na-develop ng Business Intelligence Research and Development Center (BIRDC) sa ISU Cauayan.

Ang database nito ay cloud server at dito pumapasok ang lahat ng mga impormasyon na pinoproseso para magkaroon ng data.

Sa pamamagitan naman ng data analytics ay maibibigay ang impormasyon sa isang Local Government Unit (LGU).

--Ads--

Ayon kay Dr. Aquino, libre ito at puwedeng i-download sa pamamagitan ng link at magkakaroon na ng QR code na gagamitin sa pagpasok sa mga establisyemento.

Gayunman ay nirerequire ang mga establisiyemento na magkaroon ng QR reader.

Bukod naman sa QR reader ay puwede ring magreport ang mga tao sa pamamagitan ng text message o internet kung mayroon silang nakasalamuha basta sila ay parehong nakarehistro.

Aniya, nais nilang turuan ang lahat ng mga campus ng ISU para sila na ang magturo sa mga bayan na nakakasakop sa kanila.

Dagdag pa ni Dr. Aquino na plano pa nilang magdevelop ng isa pang wireless device na awtomatikong magreport ng data.

Ang pahayag ni Dr. Ricmar Aquino

Samantala, pinuri ng Regional Inter-Agency Task Force on COVID-19 ang bagong tracing app ng ISU system.

Ayon kay Dr. Aquino, sa kanilang pag-uusap ni Regional Director Dante Balao ng Office of Civil Defense ay (OCD) nakita niya ang kagandahan ng naturang application dahil maraming features.

May na-develop din aniyang COVID Zoning Application ang OCD at gusto ng regional director na pagsamahin ang dalawang application kaya pumirma sila ng Memorandum of Agreement (MOA).

Sa isinagawa nilang virtual meeting kahapon ay mayroon nang verbal directive si Regional Director Dante Balao ng OCD na i-adapt ito ng lahat ng mga LGUs at asahan namang maglalabas ng memorandum si Regional Director Jonathan Paul Leusen ng DILG na nag-uutos na gamitin ito ng mga LGUs.

Sa ngayon ay nauna na itong inadapt ng LGU Ciy of Ilagan at batay sa pamahalaang lunsod, nakatulong ito para mapabilis ang kanilang contact tracing.

Bukod dito ay inadapt na rin ito ng bayan ng Echague habang kasalukuyan na ang pag-uusap sa Cordon, Roxas at San Mateo, Isabela.

Ang pahayag ni Dr. Ricmar Aquino.