
CAUAYAN CITY – Bahagyang tumaas ang bilang ng naitalang kaso ng rape sa Cauayan City kumpara sa nagdaang buwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Scarlette Topinio, information officer ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na ang kanilang Women and Children’s Protection Desk section ay nakapagtala ng apat na kaso ng pangagahasa at dalawang kaso ng pang-aabuso ngayong Agosto.
Nadagdagan ito ng dalawang kaso kumpara noong nakaraang buwan ng Hulyo 2020.
Ilan sa nakikitang dahilan ng pagtaas ng kaso ay ang COVID-19 pandemic kaya madalas na nasa loob ng bahay ang mga tao at ang kakulangan ng monitoring ng mga magulang sa kanilang mga anak.
Masyado aniyang nagtitiwala ang ilang magulang sa mga nakakasalamuha ng kanilang anak na nagreresulta sa pang-aabuso.
Bilang hakbang ng hanay ng pulisya sa pagpababa ng kasong rape sa Cauayan City ay patuloy ang kanilang pagsasagawa ng information dissemination.
Nagtutungo sila sa mga barangay at binibigyan ng impormasyon ang mga magulang kung paano pangalagaan ang kanilang mga anak.
Hinimok ni PLt Topinio ang mga magulang na maging responsable at bantayan ang kanilang mga anak.




