--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy  ang monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga establisimiento sa kanilang pagsunod sa mga panuntunan tulad  ng pagsusuot ng face mask, face shield  at social distancing.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela, sinabi niya na may direktiba na ang kanilang punong tanggapan na  tututukan ang demand at supply ng mga gadgets tulad ng mga laptop at tablet na kailangan ng mga mag-aaral sa darating na pasukan para sa kanilang online learning modality at sa mga manggagawa na nasa work from home.

Maaaring magkaroon ng pagtaas ng demand ng mga ito ngayon dahil marami ang nangangailangan.

Babantayan din ng DTI ang presyo ng mga bond paper, papel at ink na ginagamit sa  learning modality ng paaralan.

--Ads--

May mga natanggap na impormasyon  ang DTI na nagkakaubusan na ang suplay dahil sa dami ng mga bumibili.

Dahil dito ay inaasahan ng DTI na maaaring magkaroon ng artipisyal na pagtaas ng demand kaya kailangan nila itong bantayan.

Sisimulan ngayong linggo ng DTI Isabela ang pagmonitor sa mga establisimientong nagbebenta nito   at aalamin  kung sila ay may mga dokumento para makapagbenta.

Ayon kay Provincial Director Singun, malaking tulong ang mga negosyo center ng mga bayan at lunsod dahil hindi na kailangan pang puntahan mismo ng mga kawani ng DTI Isabela ang mga lugar kundi ang mga kawani na lamang ng mga negosyo center ang nagrereport sa kanilang tanggapan ng sitwasyon sa kanilang nasasakupan.

Pinag-aaralan na rin ng DTI kung isasama sa papatawan ng Suggested Retail Price SRP) ang mga kailangan sa modular learning tulad ng mga bond paper at ink para sa mga printer pero tinitingnan pa nila kung ano ang nararapat gawin at kung ano ang estado ng lokalidad.

Ang pahayag ni Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela.