
CAUAYAN CITY – Ipinatupad ang isang linggong temporary closure sa provincial capitol ng Nueva Vizcaya simula ngayong September 4 hanggang September 11, 2020 dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Robert Corpuz, response cluster head on COVID-19 at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) ng Nueva Vizcaya na ang hakbang ni Governor Carlos Padilla ay bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lalawigan pangunahin na sa mga bayan ng Solano at Bayombong.
Inihayag pa ni Ginoong Officer Corpuz na nagpositibo rin ang ilang kawani at isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kaya’t kailangan nilang magsagawa ng masusing disinfection sa panlalawigang kapitolyo kabilang ang mga national offices.
Isinasagawa na ang malawakang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.
Naglabas na rin si Gov. Padilla ng work-from-home order sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan upang maiwasan na mahawa sa virus.
Muling hinikayat ni Gov. Padilla ang mga Novo Vizcayano na makiisa at makipagtulungan kaugnay sa kinakaharap na krisis pangkalusugan ng lalawigan.
Binigyang-diin niya na disiplina ang sandata ng bawat residente sa pagsugpo sa virus.
Ang Nueva Vizcaya ay mayroon nang 106 COVID-19 positive, 67 ang active cases, 34 ang recoveries at lima na ang nasawi.
Samantala, pinakahuling naitalang COVID-19 positive si CV833 na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa kaniyang post sa kanyang Facebook account, inihayag ni SP member Eunice Galima-Gambol ang kaniyang kalungkutan dahil sa pagpositibo niya sa virus.
Aniya, umaasa siya at ipinagdarasal niyang wala siyang nahawaan sa kaniyang pamilya maging sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na kaniyang nakasalamuha sa kanilang huling session.
Humingi ng panalangin si SP member Gambol para sa kaniyang agarang recovery.










