CAUAYAN CITY – Napanatili ng lalawigan ng Batanes ang pagiging COVID 19 positive free.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rio Magpantay, ang Regional Director ng DOH Region 2, sinabi niya na sa ngayon ay nagpapatupad ng inisyatibo ang pamahalaang lokal ng Batanes kung saan mahigpit na sinusuri ang mga pumapasok sa lalawigan bago ilagay o isailalim sa quarantine.
Aniya nagsisilbing suporta lamang ang DOH Region 2 sa paghahatid ng mga kinakailangang medical supply ng mga health workers sa nasabing lalawigan.
Isa sa mga factor sa pagiging COVID 19 free ng lalawigan ay ang pansamantalang kanselasyon ng transportasyon, panghimpapawid man o pandagat.
Ayon naman kay PDRRM Officer Roldan Esdicul sinabi niya na sa kasalukuyan ay patuloy ang pagbabantay nila sa kanilang point of entry pangunahin na sa airport at sa Basco Port.
Bagamat walang panibagong derektiba ay mananatiling sarado para sa mga turista ang lalawigan dahil sa kasalukuyang kakulangan na rin ng kanilang mga health facility na may kakayahang tugunan ang COVID-19.
Aniya, tanging mga Authorized Person Outside Residence, LSIs at ROFs lamang ang pinahihintulutang makapasok sa lalawigan gayunman kailangan nilang sumailalim sa 14 day quarantine.
Sa kasalukuyan ay nasa 406 na LSI na karamihan ay mga estudyante na mula sa Lunsod ng Tuguegarao ang nakauwi sa kanilang lalawigan; gayunman sinisiguro nilang walang anumang karamdaman ang mga ito bago pauwiin ng pamahalaang panlalawigan.
Para mapanatiling COVID-19 free, pangunahin sa kanilang ginagawang hakbang ay ang mahigpit na pagpapatupad ng mga minimum health protocols na ibinababa ng kagawaran ng Kalusugan o DOH Gaya nang pagsusuot ng face mask at face shield.
Ayon pa kay PDRRM Officer Esdicul, sapat pa rin ang 100 bed capacity ng kanilang Quarantine facility para sa mga umuuwing LSIs at ROFs.
Maraming bahay kalakal na rin gaya ng mga hotel ang nagsara dahil sa pagtumal ng turismo sa nasabing lalawigan gayunman may ilang hotel aniya ang pumayag nang gamitin ang kanilang establisimiento bilang Quarantine o Isolation area ng Pamahalaang Panlalawigan.
Nagsisilbi namang malaking hamon ngayon para sa kanila ang pagpapanatiling COVID 19 FREE ng buong lalawigan ng Batanes.