CAUAYAN CITY – Ikinatuwa ng 5th Infantry Division Philippine Army ang pagbisita ng bagong Chief ng Armed Forces of the Philippines na si Lt. General Cirilito Sobejana sa kanilang Unit.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Major Noriel Tayaban, ang DPAO Chief ng 5th Infantry Division Philippine Army, sinabi niya na napakalaking pasasalamat nila dahil sa kanilang kampo ang kauna unahang nabisita ng Commanding General ng Philippine Army dito sa Northern Luzon.
Ayon kay Major Tayaban, hindi na bago kay LtGen. Sobejana ang Northern Luzon dahil nanungkulan na rin siya rito sa kanyang Junior years partikular na sa bahagi ng Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela at sa Apayao.
Sa kanyang talumpati sinabi ni LtGen. Sobejana na malaki na ang pinagbago ng lugar mula noong siya ay nadestino dito noong dekada nobenta.
Sa kanyang pagbisita ay iprinisinta ng Commander ng 5thID na si Brigadier General Lawrence Mina ang kanilang mga accomplishments.
Iprinisinta rin ni Brig. Gen. Mina ang kanilang programang Salaknib Former Rebels Integrated Farm Association(SARIFA) na may layong mabigyan ng lupa ang mga rebeldeng sumuko na maaari nilang sakahin bilang umpisa ng kanilang pagbabagong buhay.
Binati naman ni LtGen. Sobejana ang buong kasundaluhan ng 5thID dahil sa kanilang magandang programa at hinikayat ang buong pamunuan na ipagpatuloy ang kanilang nasimulan upang tuluyan nang mapigilan ang insurhensiya.
Samantala, medyo hirap naman ngayon ang 5thID dahil sa pagsubok na dala ng krisis na COVID-19.
Ayon kay Major Tayaban kung noon ay nakapokus lamang sila sa paglaban sa insurhensiya at pagpapanatili ng katahimikan sa kanilang nasasakupan pati na ang kanilang pagsagawa ng mga proyekto, ngayon ay kasama na ang paglaban nila sa COVID 19 Pandemic.
Kailangan aniyang paigtingin pa nila ang “effort” ng kasundaluhan upang malabanan ang pagkalat ng virus.