
CAUAYAN CITY– Sampung araw ang ipinatupad na temporary travel ban ng pamahalaang lokal ng Cabarroguis, Quirino sa mga residenteng magtutungo sa mga bayan Solano at Bayombong, Nueva Vizcaya na may mataas na bilang ng COVID-19 positive.
Sa inilabas na Executive order #94 Series of 2020 ni Mayor Willard Abuan, nakasaad ang pagbabawal sa mga residente ng Cabarroguis, Quirino na magtungo sa mga bayan ng Solano at Bayombong maliban kung extreme health emergency cases subalit kailangan ang pahintulot ng Municipal Health Office (MHO).
Nagkabisa ang temporary travel ban kahapon, September 9, 2020 hanggang September 18, 2020.
Ipagbabawal din pansamantala ang pagpasok sa bayan ng Cabarroguis ng mga residente mula sa bayan ng Solano at Bayombong maliban kung papayag silang sumailalim sa 14 days quarantine.
Hindi rin pahihintulutan ng pamahalaang lokal ang pagtigil ng mga motoristang dadaan lamang na nasabing bayan kaya kailangan nilang dumiretso na lamang sa kanilang destinasiyon.
Binalaan ang mga motoristang magsisinungaling tungkol sa kanilang mga destinasyon na sila ay maaaring mapatawan ng kaukulang parusa.
Inatasan ang MHO, Cabarroguis Police Station at mga opisyal ng barangay na mahigpit na ipatupad ang ipinalabas na executive order ni Mayor Abuan.










