--Ads--

CAUAYAN CITY – Isa ang patay habang apat ang nasugatan matapos araruhin ng isang Starex Van ang tatlong sasakyan sa national highway sa Cabaruan, Cauayan City.

Ang mga sangkot na sasakyan ay isang Nissan Navarra na kulay orange, pag-aari ni Uy Tan, 40 anyos, negosyante; isa pang Nissan Navarra na kulay gray na pag-aari ni Marvin Isidro, 47 anyos, negosyante; isang Mitsubishi L300 na pag-aari ni Salvador Ordonez, pawang residente ng Cabaruan, Cauayan City at isang Hyundai Starex Van na minaneho ni Elmer Mendez Usbal, tubong Dicaduan, Palanan, Isabela at kasulukuyang nakatira sa Woodcrest Subdivision, Tagaran, Cauayan City.

Sakay ng van sina Maribel Donato, 33 anyos, negosyante; Bryan Chavez, 22 anyos, binata, residente ng Bisag, Palanan, Isabela; John Rouie Chavez, 18 anyos at residente ng Centro West, Palanan, Isabela na nagtamo ng mga sugat habang ang nasawi na sakay din ng naturang van ay si Aiza Dela Peña, nasa tamang edad at residente ng Palanan, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station, pasado alas nuebe kagabi nang binabagtas ng van ang naturang lansangan patungong Cauayan City proper ngunit nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay bigla itong bumangga sa tatlong nakaparadang sasakyan.

--Ads--

Dahil sa lakas ng pagkabangga ay nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga sakay nito na agad dinala sa ospital subalit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas si Dela Peña.

Naka-hospital arrest si Usbal at kapag makalabas na sa pagamutan ay dadalhin na sa Cauayan City Police Station para sa dokumentasyon at disposisyon.

Napag-alaman na nakainom ng alak ang suspek nang mangyari ang aksidente.

Mahaharap si Usbal sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Physical Injuries and Damage to Property.