--Ads--

CAUAYAN CITY – Natagpuan na ang katawan ng nalunod na operator ng bangka sa Ramos, Aglipay, Quirino.

Ang biktima ay si Rogelio Guieb, 58 anyos, may-asawa at residente ng nasabing barangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCapt. William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station na dakong 4:30pm kahapon nang makatanggap sila ng tawag mula sa barangay kapitan ng Ramos, Aglipay tungkol sa pagtaob sa Addalam River ng isang bangka na sinasakyan ng biktima.

Nangyari ito dakong 12:30 ng tanghali kahapon dahil sa pagtaas ng antas ng tubig sa naturang ilog bunsod ng malakas na ulan.

--Ads--

Sinabi ni PCapt. Agpalza na tumaob ang bangka ni Guieb dahil sa malakas na agos ng tubig.

Tumatawid siya pabalik sa kabilang pampang ng ilog nang mangyari ang insidente.

Natagpuan ang bangkay ng biktima sa layong 150 meters sa lugar kung saan tumaob ang kanyang bangka.

Dagdag niya na nahirapan sila sa pagrekober dahil kinailangan nila ng mga magagaling na lumangoy.

Ayon kay PCapt. Agpalza, ang naturang ilog ay daanan ng mga tao kapag nagtutungo sila sa ibang lugar dahil mas malapit ito kung iikot pa sila sa ibang barangay

Sa ngayon ay pinabantayan na niya sa mga barangay tanod ang bahagi ng ilog para hindi na maulit ang nasabing pangyayari.

Pinaalalahanan niya ang mga mamamayan na kung delikado na ang pagtawid sa ilog ay huwag nang tumuloy.

Ang pahayag ni PCpt William Agpalza.