CAUAYAN CITY – Nasugatan ang limang tao matapos araruhin ng isang Toyota Fortuner ang isang motorsiklo at Ford Everest bago bumangga sa isang burger stand sa Baligatan, City of Ilagan.
Ang mga nasugatan ay sina Len Andaya, 34 anyos, service crew ng burger stand at residente ng San Andres, City of Ilagan habang nasugatan din ang tsuper ng Toyota Fortuner na si John Vinch Benitez, 23 anyos at mga sakay nito na sina Franz Kenneth Comin, 21 anyos, Sean Gerald Fermin Gangan, d25 anyos, goverment employee at Lester Talosig, 19 anyos, estudiyante at pawang residente ng Alibagu, City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLtCol Virgilio Abellera Jr., hepe ng City of Ilagan Police Station na binabagtas ng SUV ang lansangan patungong timog nang nawalan ng preno dahil sa bilis umano ng pagpapatakbo ng driver.
Ito ay nagbunga ng pagkakabangga ng SUV sa isang nakaparadang motorsiklo at Ford Everest at dumiretso sa isang burger stand.
Nagtamo ng matinding sugat ang crew ng burger stand matapos maipit at agad dinala sa isang pagamutan maging ang mga sakay ng Fortuner.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman na nakainom ng alak ang mga sakay ng Fortuner at galing sila sa isang okasyon.
Ang tsuper ng SUV na si Benitez ay mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Physical Injuries and Damage to Properties habang pag-aaralan pa kung isasama ang kanyang mga sakay.






