
CAUAYAN CITY – Nakatakdang isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang City of Ilagan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Rodito Albano na inihahanda na ng pamahalaang panlalawigan ang executive order at resolution para sa pagsasailalim sa MECQ sa naturang lunsod.
Ihahain nila ito sa Inter-Agency Task Force (IATF) at kung maaprubahan ay epektibo na ito mamayang gabi o bukas.
Magtatagal ito depende sa magiging rekomendasyon ni Mayor Diaz at sa sasabihin ng IATF.
Ayon Gov. Albano, isasailalim sa MECQ ang Lunsod ng Ilagan dahil dumarami na ang kaso ng local transmission at maging ang Governor Faustino N. Dy Memorial Hospital ay nag-lockdown matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang pasyente na na-admit doon.
Kaugnay nito ay pinayuhan ni Governor Albano ang mga mamamayan lalo na ang mga kabataan na mag-ingat dahil tinatamaan na rin ngayon ng COVID-19 ang mga nasa murang edad.




