--Ads--

CAUAYAN CITY – Magkakaloob ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng subsidiya sa pamasahe ng mga mamamayan sa Coastal Town.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodito Albano, sinabi niya na magbibigay ng subsidiya ng pamahalaang panlalawigan sa pasahe ng mga taga-coastal towns na pupunta sa mainland Isabela.

Ito ay dahil sa pagkasira ng ilang parte ng Ilagan Divilacan road kung saan marami ang naputol na kahoy dahil sa pagguho ng lupa.

Ayon kay Governor Albano, uumpisahan ang pamamahagi ng subsidiya sa ika-15 ng Oktubre 2020.

--Ads--

Hindi pa malaman ni Governor Albano kung magkano ang budget na ilalaan para sa nasabing programa.

Nilinaw naman niya na hindi buo ang babalikatin kundi may babayaran pa rin ang mga mamamayan pero mas mura lamang.

Mas mura din aniya ang pamasahe para sa mga mamamayan na pupunta sa coastal town pati na ng mga turista upang mapalakas ng lalawigan ang industriya ng turismo.

Plano ring kumuha ng pamahalaang panlalawigan ng karagdagang eroplano para mabigyang pagkakataon ang mas maraming turista na makapunta at makapagbakasyon sa costal town dahil maraming magagandang tourist spot doon.

Plano rin ng pamahalaang panlalawigan ang magpatayo ng lighthouse sa coastal towns upang hindi mawala ang mga sasakyang dagat na makakarating doon dahil may napabalita na naligaw na ferry mula sa Hongkong.

Hihingi rin umano sila ng pondo para maisagawa ang pagpapatayo ng daungan ng mga barko.