CAUAYAN CITY– Umakyat na sa apat ang namatay sa Lunsod ng Ilagan sanhi ng Coronavirus Disease (COVID-19) matapos masawi ang isang senior citizen.
Kinumpirma sa Bombo Radyo Cauayan ni Ginoong Ricky Laggui, focal person ng City Inter-Agency Task Force (CIATF) na nasawi ang isang 74 anyos na lola na si CV2049, residente Calamagui 1st, Lunsod ng ILagan habang nilalapatan ng lunas sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.
Sinabi ni Ginoong Laggui na bago nasawi ang pasyente ay isinugod sa isang pribadong ospital dahil hirap sa paghinga ngunit inilipat sa CVMC matapos ituring na COVID-19 suspect case.
Nagkaroon ng comorbidity o komplikasyon ang pasyente dulot ng kanyang diabetes.
Lumabas sa resulta ng kanyang swab test na positibo siya sa COVID-19.
Inaalam pa kung paano nahawa sa virus ang pasyente dahil wala naman siyang kasaysayan ng paglalakbay sa mga lugar na itinuturing na high risk area.











