CAUAYAN CITY – Umabot sa mahigit isang daang tao ang inilikas sa ilang bayan dahil sa bagyong Pepito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Quirino Operations Officer Joe Diaz Baltazar, sinabi niya na bagamat hindi gaanong naapektuhan ang lalawigan sa pagdaan ng bagyong Pepito ay ilang pamilya ang inilikas sa mga evacuation center dahil sa pagtaas ng antas ng tubig sa kanilang mga lugar.
Ang mga evacuees ay mula sa tatlong barangay ng Maddela, dalawang barangay ng Aglipay at dalawang barangay ng Cabarrugouis, Quirino na 46 na pamilya na kinabibilangan ng 143 na indibiduwal.
Nabigyan ng food Packs ang mga lumikas na pamilya bilang tulong habang patuloy ang maigting na pagbabantay ng mga awtoridad upang masunod ang mga minimum health protocol.
Samantala, pansamantalang hindi madanaan ang mga tulay ng San Pedro at Manglad sa Maddela habang nagsagawa ng road clearing operations sa ilang bahagi ng nasabing bayan at sa Nagtipunan dahil sa mga natumbang punong kahoy sa daan.
Nagpaalala si Ginoong Baltazarar sa mga mamamayan ng Quirino na ipinagbabawal ang pangingisda sa mga pangunahing ilog sa lalawigan dahil sa mataas na antas ng tubig.






