
CAUAYAN CITY – Tinututukan na ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang pagsasagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng pitong pulis na miyembro Isabela Police Provincial Office (IPPO) na nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Information Officer Elizabeth Binag, sinabi niya na nauna nang nagpositibo ang dalawang Non-Uniformed Personnel (NUP) mula sa Lunsod ng Ilagan at Enrile, Cagayan.
Batay sa kanilang contact tracing sa mga naunang nakasalamuha ng dalawang NUP ay 20 na pulis ang isinailalim sa swab test at lima ang lumabas na positibo.
Ayon kay Atty. Binag, ang limang bagong pulis na nagpositibo sa virus ay kabilang sa direct contact ng dalawang NUP at lumabas ang resulta ng kanilang swab test kahapon.
Pansamantalang isinailalim sa isolation ang mga pulis sa Provincial Investigation Unit (PIU) ng IPPO at kahapon ay dinala na sila sa Echague District Hospital kung saan sila magpapagaling habang ang ilan ay nasa pangangalaga ng Isolation Unit ng Lunsod ng Ilagan.
Bagamat negatibo ang resulta ng swab test ng ilan sa mga nakasalamuha ng dalawang NUP ay patuloy na inoobserbahan ang kalagayan ng 9 pang pulis na dinala sa Punta Amelita Quarantine Facility sa Cordon, Isabela.
Sa kabila nito tiniyak ni Provincial director PCol James Cipriano na tuluy-tuloy na paghahatid serbisyo ng IPPO.




