CAUAYAN CITY – Bagsak ang presyo ng ilang gulay habang ang ilan ay nasisira na dahil hindi maibiyahe ng mga magsasaka at dealers ang kanilang produkto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Virgilio Dela Cruz, Provincial Agriculture Officer ng Nueva Vizcaya, sinabi niya na apektado ngayon ang presyo ng mga gulay dahil sa dumaan na bagyo at ang epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Bukod dito ay bihira na lamang ang biyahe ng mga truck ng mga vegetable dealers mula sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal paluwas ng Metro Manila kaya naapektuhan ang presyo ng mga gulay at marami ang nasisirang ani ng mga magsasaka.
Marami ang supply ngayon ng mga carrots, repolyo, sayote at iba pa kaya mura ang presyo ng kada kilo.
Dahil dito, binibili na lamang nila ang mga gulay at ipinapamahagi sa mga may alagang baboy at ilan pang mga large animals upang mapakinabangan.
Sa pinakahuling price watch ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal, nasa 8.00 hanggang 10.00 ang presyo ng bawat kilo ng repolyo, 17.00 hanggang 20.00 ang bawat kilo ng carrots habang 7.00 hanggang 10.00 ang bawat kilo ng sayote, ang kalabasa ay 5.00 hanggang 10.00 bawat kilo at 4.00 hanggang 7.00 ang bawat kilo ng chinese cabbage.
Bahagya namang tumaas ang presyo ng bawat kilo ng bawang at sibuyas dahil sa kakulangan ng supply nito sa lalawigan.
Sinabi ni Engr. Dela Cruz na patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa national government upang mabigyan ng pansin ang problema ng mga magsasaka na nagtatanim ng gulay sa Nueva Vizcaya.








