--Ads--

CAUAYAN CITY – Matapos ang dalawang araw na paghahanap ay natagpuan na ng mga rescue team ang bangkay ng estudyante na nalunod noong Miyerkoles, October 21, 2020 sa Cagayan River na bahagi ng Barangay Fugu Abajo, Tumauini, Isabela.

Ang bangkay ni Shery Mae Acaso, 16 anyos, grade 10 student at residente ng nabanggit na barangay ay natagpuan ng pinagsanib na puwersa ng  Tumauini Police Station, rescue team ng pamahalaang lokal at ilang kamag-anak ng biktima.

Matatandaang kumukuha ng mga kahoy na panggatong ang dalagita nang nawalan ng balanse at napunta sa malalim na bahagi ng Cagayan River.

Sinikap ng kanyang kasama na si Jennelyn Lacasga, 16 anyos na sagipin ang biktima ngunit dahil sa  malalim ang tubig ay pareho silang lumubog sa tubig.

--Ads--

Tumulong din ang kasama nila na si Janice Lacasga, 38 anyos na sagipin ang dalawa ngunit natangay ang tatlo ng  malakas na agos ng tubig sa ilog.

Bagamat malakas ang agos ay nagawang makaligtas sina Jennelyn at Janice ngunit nalunod si Shery Mae.

Nakaburol na ang bangkay ng estudyante sa kanilang bahay sa Fugu Abajo, Tumauini, Isabela.