CAUAYAN CITY – Umabot na sa 173 million ang halaga ng pinsala sa mga daan at proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) region 2 dahil sa mga nagdaang bagyong Pepito at Quinta.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Wilson Valdez, Information Officer ng DPWH region 2, sinabi niya na sa pinsala na dulot ng Bagyong Pepito at Quinta ay hindi pa kasama ang nasira sa bahagi ng Cagayan 2nd District Engineering Office kaya aasahan na tataas ang halaga ng pinsala.
Sa nasasakupan ng Cagayan 2nd District Engineering Office ay may malaking pinsala sa mga daan ngunit hindi pa nakapagsumite ng report.
Magsasagawa ng damage assessment at maintenance ang DPWH region 2 sa mga nasirang daan upang maayos sa lalong madaling panahon.
Nakaantabay din ang DPWH region 2 sa parating na bagyong Rolly na minomonitor ng PAGASA at may kaukulang paghahanda ang Management Committee.





