CAUAYAN CITY – Tinatayang higit 4.9 million pesos ang halaga ng naitalang pinsala sa mga tanim na palay sa Lungsod ng Cauayan dahil sa pagdaan ng bagyong Pepito at mga naranasang pag-ulan sa mga nagdaang araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculture Officer, sinabi niya na ang mga magsasakang nagtamo ng pinsala sa kanilang palayan ay ang mga huling nagtanim sa nagdaang cropping season.
Batay sa kanilang talaan, umaabot sa 1,140 hectares ng palayan ang napinsala ng bagyo sa Lungsod ng Cauayan na katumbas ng halos 2,098 metriko tonelada ng palay.
Bagamat may mga maaari pang isalba na palay ay bumaba na ang kalidad ng mga ito.
Ayon kay Engr. Alonzo, doble-dagok ito sa mga magsasaka dahil maliban sa mababang presyo ng kada kilo ng palay ay napinsala pa ang kanilang mga tanim na palay.
Nagsumite na sila ng report sa Department of Agriculture (DA) region 2 at umaasa ang City Agriculture Office na mabibigyan ng tulong ang mga magsasaka na nasiraan ng pananim.
Ayon kay Engr. Alonzo, tumutulong sila sa mga magsasakang nakapag-seguro ng kanilang mga pananim na makakuha ng indemnity claims sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Una na aniyang ipinaseguro ng City Agriculture Office sa PCIC ang lahat ng mga magsasaka ng palay na nakatanggap noon ng libreng binhi mula sa DA.





