CAUAYAN CITY – Aminado ang tanggapan ng National Food Authority o NFA sa lungsod ng Cauayan na may ilang nagbebentang magsasaka ang natatanggihan dahil sa mababang kalidad ng mga ibinebentang palay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Warehouse Supervisor Luz Vinluan ng NFA Warehouse sa Cauayan City at bayan ng Luna, sinabi niya na maliit na bahagdan lang naman ng mga magsasaka ang kanilang natatanggihan dahil sa mababang kalidad ng palay.
Sa katunayan aniya ay ilan sa mga ibinibentang palay sa kanilang mga warehouse ay ipinapadaan pa sa laboratory upang magkaroon ng mas malaking pagkakataon na mabili ang mga ito.
Aminado naman ang tagapamahala ng NFA Warehouses sa Lungsod ng Cauayan at bayan ng Luna na nagkakapunuan na ngayon ang mga nabanggit na bodega.
Sa ngayon ay mayroon nang dalawamput pitong libong sako ng palay ang nakaimbak sa kanilang bodega sa lungsod habang dalawampot limang libong sako naman ng palay ang nakaimbak sa kanilang bodega sa bayan ng Luna.
Sa kabila nito ay patuloy pa rin ang kanilang pagbili ng mga aning palay at katunayan ay punuan na ang kanilang schedule hanggang ikalabing anim ng nobyembre.
Inililipat na rin anya nila sa ibang bodega ng NFA ang mga nakaimbak na palay mula sa mga nabanggit na warehouses upang patuloy parin silang makabili ng palay sa mga magsasaka.
Sa ngayon ay nanatili pa rin sa P19 bawat kilo hanggang P17.76 bawat kilo ang bilihan ng palay sa mga NFA Warehouses.
Katulad ng dati ay kinakailangan lamang magdala ng mga sample ng aning palay at magfill up ng Farmers Information Sheet ang mga nais magbenta ng palay sa NFA.