CAUAYAN CITY– Lima ang patay at patuloy ang search and retrieval operation sa siyam na katao pang nawawala sa naganap na pagguho ng lupa sa bayan ng Quezon, Nueva Vizcaya partikular sa brgy. Runruno.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Robert Corpuz ng lalawigan ng Nueva Vizcaya, sinabi niya na apat ang naidagdag sa isang naunang naitala nasawi noong myerkules.
Ang naunang nasawi ay ang labing limang taong gulang na dalagita na paalis na papuntang evacuation center ngunit naabutan ng landslide.
Ang sumunod namang apat ay mula sa Sitio Dippang at sitio compound na ayon kay kay PDRRM Officer Corpuz, mga minero ang naireport sa kanilang tanggapan ngunit ito ay aalamin pa kapag nakarating na sa municipal hall ang naretrieve na bangkay ng mga nasawi.
Ayon kay PDRRM Officer Corpuz, malayo at pahirapan ang signal sa nasabing lugar dahil nasa kabundukang bahagi na ang nasabing brgy kung saan makikita ang mga mining companies.
Kasalukuyan pa ang search and retrieval operation sa siyam pang katao na nawawala.
Aniya ang brgy Runruno ay maituturing nang nasa high risk area kaya pahirapan ang paglikas sa mga residente.
Samantala nasa pitong daan at limamput anim na indibidwal na ang nailikas mula sa ibat ibang bayan ng Nueva Vizcaya pangunahin na ang Ambaguio, Alfonso Castañeda, Solano, Bayombong, Villaberde, Diadi, Kayapa, Dupax Del Norte, Aritao kasama na ang Quezon.