--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpaliwanag ang NIA MARIIS Magat Dam sa kanilang naging paghahanda para sa bagyong Ulysses matapos ang samut saring batikos na kanilang natanggap mula sa mga mamamayan dahil sa malawakang pagbaha sa Isabela at Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Wilfredo Glloria, ang Department Manager ng NIA MARIIS, sinabi niya na nasunod ang protocol sa pagpapalabas ng tubig mula sa kanilang water reservoir.

Ayon kay Engr. Gloria, tatlong araw bago ang pagdating ng bagyo ay nagsasagawa na sila ng pre release o maagang pagpapalabas ng tubig bilang paghahanda sa idudulot na ulan ng bagyo.

Aniya ikasiyam pa lamang ng Nobyembre ay nakapagrelease na sila sa koordinasyon ng PAGASA na siyang nakakaalam kung gaano ang intensity o volume ng tubig na dala ng bagyo.

--Ads--

Aniya dalawang unit na may kabuuang apat na metrong lawak ng spillway gate ang kanilang binuksan kasabay ng pagpapakalat ng advisory o notices sa mga otoridad at mga mamamayan.

Namentena aniya ito hanggang ikalabing isa ng Nobyembre kung saan nanalasa ang bagyo sa bansa.

Madaling araw ng ikalabindalawa ng nobyembre ay tumataas na ang inflow ng tubig sa dam kaya kinailangan na nilang magdagdag ng spillway gate para mapanatili ang normal na lebel ng tubig.

Alas syete ng umaga na aniya sila nagsimulang magbukas ng karagdagang spillway gate dahil sa laki ng lebel ng tubig na pumapasok sa reservoir at wala na silang magagawa pa kundi buksan ang pitong unit ng gate at napanatili ito hanggang ikalabintatlo ng nobyembre.

Noong ikalabintatlo ng Nobyembre ay pababa na ang lebel ng tubig kaya unti unti na rin silang nagsara ng ilang metro sa opening ng gates hanggang sa kasalukuyan na dalawang unit na lamang ang bukas.

Ayon pa kay Engr. Gloria, hindi sila nagkulang sa pagbibigay ng paalala o advisory sa mga kinauukulan at sa mamamayan.

Bahagi ng pahayag ni Engr. Wilfredo Gloria