
CAUAYAN CITY – Ipinapatupad sa Isabela ang 60-day price freeze o automatic price control sa presyo ng mga pangunahing bilihin matapos na isailalim sa State of Calamity ang Isabela dahil sa matinding pagbaha na dulot ng bagyong Ulysses.
Sa advisory na inilabas ng tanggapan ni Provincial Director Winston Singun ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela, alinsunod sa Provincial Board Resolution No. 2020-40-1 series of 2020, ang Isabela ay isinasailalim sa State of Calamity simula Nobyembre 14, 2020 kaya ipinapatupad din ang “60-Day Price Freeze o Automatic Price Control” sa lalawigan.
Dahil dito ang presyo ng mga pangunahing bilihin o basic at prime commodities ay mananatili sa umiiral na presyo bago ipinatupad ang State of Calamity.
Pinaalalahanan ng DTI-Isabela ang mga negosyante na sundin ang ipinapatupad na price freeze.
Hinihikayat ng DTI-Isabela ang publiko o mga consumer na maging mapagmatiyag at alerto sa galaw ng presyo at supply ng mga bilihin sa kanilang lugar.
Maaaring magtungo sa pinaka-malapit na LGU, Negosyo Center o DTI Provincial and Regional Offices upang mag-report kung sakaling may paglabag sa ipinapatupad na Automatic Price Control.




