CAUAYAN CITY – Nagpositibo ang anim na health frontliners na nagtatrabaho sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, ang Chief ng CVMC, kinumpirma niya na ang isa sa kanilang driver na galing sa Maynila ay nagpositibo sa virus.
Nagpositibo rin ang isang Nursing Attendant na work from home na ayon kay Dr. Baggao, siya ay nakipag inuman sa kapitbahay at maaaring dito na niya nakuha ang virus dahil may COVID positive sa kanyang mga nakainuman.
Nagpositibo rin ang isang Medtech na nakaassign sa molecular laboratory ng ospital.
Ayon kay Dr. Baggao, may tatlong doktor din na pediatric residence ang nahawaan ng isang batang naincubate.
Nakaconfine ngayon ang mga nagpositibo sa COVID Ward ng CVMC.
Madali ang gagawing contact tracing sa mga nagpositibo dahil sila ay nagtatrabaho sa loob ng ospital at kapag lumalabas ay nagtutungo sila sa quarantine area ng ospital maliban na lamang sa attendant na nahawa sa labas.
Ayon kay Dr. Baggao, nakakalungkot ang pangyayari dahil sinusunod naman ng ospital ang mga protocol.
Sa kasalukuyan ay mayroong naka-admit na apatnaput apat na suspect at confirmed COVID-19 patients sa CVMC.